2 Sundalong taga-Pasay pasok sa Outstanding Soldiers of the Philippines

Dahil sa kanilang kabayanihan at paglilingkod sa bayan, dalawang sundalong taga-Pasay ang napabilang sa mga nagwagi sa katatapos lamang na 2012 Search for The Outstanding Philippine Soldiers (TOPS) ng Metrobank Foundation, Inc. at Rotary Club of Makati Metro, ayon kay Pasay City Mayor Antonino “Tony” G. Calixto.

Sina Lt. Col. Antonio Francisco, Jr. at Senior M/Sgt. Augusto Reyes, pawang residente ng Pasay City,  ang siyang nag-uwi ng parangal kasama ang sampu (10) pang mga sundalo mula sa Philippine Army, Philippine Navy, Philippine Air Force, Philippine Marine Corps, at Corps of Professors.

“Ako po ay nagagalak na napili sina Lt. Col. Francisco Jr. at SM/Sgt. Reyes bilang dalawa sa pinakamagigiting na sundalo dito sa ating bansa. Kayo ay isa sa mga maituturing pride of Pasay City. Ikinararangal po kayo ng ating lungsod,” sabi ni Calixto.

Ayon kay Calixto, kanyang irerekomenda sa Sangguniang Panlungsod ang paggawad ng karagdagang parangal sa dalawa na para maging magandang halimbawa sa mga Pasayeno, partikular sa mga kabataan.

Si Lt. Col. Francisco ay nagwagi sa PAF Commissioned Officer Category habang si Senior M/Sgt. Reyes ay nagwagi sa PAF Enlisted Personnel Category. Sila ay nakatalaga ngayon sa Villamor Air Base.

Sina Francisco at Reyes ay makatatanggap ng tropeyo at Php300,000 bilang cash prize.

“Bilang Alkalde po ng ating Lungsod, nais ko pong hikayatin ang iba pang mga sundalo sa ating Lungsod na sumali sa TOPS at patuloy na maging huwaran ng ating sandatahang lakas”, dagdag ni Calixto.  

Sa kasalukuyan, si Lt. Col. Francisco ay Deputy Group Commander ng PAF. Ilan sa mga natatanging nagawa niya ay ang pagsagip sa walong biktima ng bagyong Ondoy at paglulunsad ng water rescue mission sa Baguio noong kasagsagan ng bagyong Pepeng, at ilan pang rescue and retrieval operations sa ating bansa.

Si S/M Sgt. Reyes naman ay ang PAF Overall Non-Commissioned Officer-in-Charge. Ilan sa kanyang “extraordinary acts” ay ang pagkamit ng Presidential Citation para sa kanyang natatanging kontribusyon at suporta sa People’s Power Revolution sa EDSA 1986, at Presidential Citation for Exceptional Loyalty, Fidelity at Extraordinary Achievement, at pagsagip sa 16 katao kabilang ang isang sanggol na nasa rooftop at nakaangkla sa isang puno sa may Provident Village, Marikina noong kasagsagan ng bagyong Unsang taong 1988.    

Ang Final Board of Judges ng nasabing parangal sa taong ito ay pinamunuan ni Sandiganbayan Presiding Judge Francisco H. Villaruz, Jr.

Ang pagbibigay-parangal sa mga nagwagi sa Search for the Outstanding Philippine Soldiers (TOPS), Search for the Country’s Policemen in Service (COPS), at Search for the Outstanding Teachers (SOT) na bumubuo sa The Outstanding Filipinos ay gaganapin sa September 5, 2012.

Press Release: Pasay City- Public Information Office

Friday, July 30, 2012